Tuesday, March 17, 2020

AKO NA NABUHAY SA IMAHINASYON


Araw araw na lang siguro nakatutok ang aking mga mata sa mga librong kathang isip lang ang dala. Umaasa na sana isa ako sa mga bida, na isa ako sa mga babaeng may halaga at madalas pag agawan ng iba. Siguro nga ako ay naging adik na, dahil pati mga gusto kong mangyari sa aking buhay ay puro mukhang kathang isip na lamang. Masyado imposible, masyadong mahirap gawing totoo lahat ng pangarap na gusto ko. Ako, ako si Luci, ang taong nakatira sa mundong ako lang ang nakakakita. Sabi nila gumising na daw ako sa katutuhanan na wala naman daw saking magmamahal ng totoo. Lagi nilang pinaparamdam sakin kong gaano kapangit ng buhay ko, kung gaano ako kawalang kwenta sa mga mata nila. Aaminin ko hindi naman ako maganda, ni hindi nga din ako matalino o mayaman. Ano pa ba ang aasahan ko sa mapanglait na mata ng mga taong nakakasalamuha ko? Anong magagawa ko kong hindi ko kayang ibigay sa kanila yong mga bagay na hindi ko kaya? Tao din naman kasi ako nasasaktan, nahihirapan, nalulungkot. Pero bakit hindi nila maintindihan ang mga bagay na yun? Kaya nong nakilala ko ang mga libro, nagkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng bagay. Nagkaroon ako ng kakampi, doon maganda ako, matalino at kamahal mahal sa lahat ng tao. Hindi ko na kailangan i-please ang mga tao na magustuhan ako. Naging masaya ako sa ganon, buong buhay ko nabuhay ako sa mundong ako ang gumawa, ako lang ang nakakakita at nakakaramdam. Para na akong baliw, oo pero wala na akong pakiilam basta maramdaman ko lang na meron akong halaga bilang isang tao. Ngunit habang tumatagal ang pagkahumaling ko sa paggawa ng di makatutuhanang mundo, hindi ko na nakikita ang mga totoong dapat ay pinahahalagahan ko, na dapat ay iniingatan ko. Ang lola ko, siguro nga't masyado akong nabulag sa ginawa ng mundo sakin kaya't hindi ko nakita na may isang taong totoong nagmamahal sa akin. Ang lola ko, ang lola ko na mahal na mahal ako, siya ang naghirap para maging masaya ako, para makuntento ako sa buhay na meron ako. Ngunit yun ang di nakita ng mga mata, hindi nakita ng puso ko. Nakakapagsisi dahil yong nagiisang taong nagmalasakit sa buhay ko ay hindi ko man lang napahalagahan, hindi ko man lang naingatan. Ngayong nawala na siya sa aking tabi saka ko lang nakita yong worth niya. Ang sakit sakit, akala ko masakit na yong husgahan ka ng tao, ngunit mas masakit padin pala ang mawalan, mawalan ng taong napakahalaga sa buhay mo. Doon ko narealize ang lahat, na kahit sobrang sakit na ng husgahan ng ibang tao dapat padin na lumaban tayo sa mundong ito. Dahil once na sumuko ka talo kana. Kaya kailangan ko padin magpatuloy sa laban sa aking buhay kahit na ano pang mangyari sa buhay ko, ang mahalaga lumaban ako, ang mahalaga naituloy ko ang buhay ko. Dahil kahit sa mundong puro masasama ang nakikita mo, meron padin kahit isang mabuti na dadating sayo.

 -Lia

Friday, March 13, 2020

GAYUMA



Naglalakad na si Saira pauwi ng kanilang bahay ng may biglang tumawag sa kaniya mula sa kaniyang likuran. "Apo, gusto mo bang bumili ng tinitinda kong gayuma? ilahok mo lang ito sa pagkain ng iyong napupusuan at agad siyang mahuhumaling sa iyo." Alok ng matandang babae sa kaniya. Biglang pumasok sa isipan niya ang kaniyang kaibigan na si Eman na mayroong pagtingin kay Ella. "Sige po, pabili ako ng isa." Tugon ni Saira sa matanda.
----
Kinabukasan, agad na nilapitan ni Saira ang kaibigang si Eman. "Bakit tulala ka? Sinong sinisilayan mo?" magkasunod na tanong niya kay Eman. "Ang ganda niya talaga" mahinang sambit ni Eman habang naka pako ang tingin sa dalagang si Ella. "Gusto mo ba na mapasaiyo sya?" tanong ni Saira. Oo naman" walang alinlangan na sagot ni Eman. 'Kung ganon ay may ibibigay ako sa iyo" sabay ipinakita ni Saira ang isang maliit na bote. "Ano yan?" tanong ni Eman. "Isa itong gayuma, ilahok mo lang ito sa pagkain ni Ella at bigla na lamang siyang magkaka gusto sayo." paliwanag ni Saira. Naging mahaba ang pag uusap ng dalawa at pagkatapos ay tinanggap din ni Eman ang gayuma dahil sa kagustuhan niyang mahalin din siya ni Ella.
-----
Palabas na ng paaralan si Ella nang lakas loob siyang sinalubong ni Eman. "Hi Ella, Ako nga pala si Eman". "Hello Eman" mahinahong tugon ng dalaga. " Mayroon akong ginawang sandwich para sa iyo, sana magustuhan mo" alok ni Eman. Tinanggap ni Ella ang dala nitong sandwich ng walang pag aalinlangan. Agad ding nagpaalam si Ella kay Eman subalit pagtalikod niya kay Eman ay gumuhit sa kaniyang mukha ang malaking ngiti dahil matagal na rin siyang may lihim na pagtingin kay Eman.
----
Malapit na sa kaniyang bahay si Ella ng nakaramdam siya ng pagkagutom. Inilabas niya ang sandwich na gawa ng kaniyang iniibig para mapawi ang kaniyang gutom nang biglang may lumapit sa kaniya." A-a-ate, pwede po ba akong makahingi ng pagkain? kahapon pa po kasi akong hindi kumakain e" paawang sabi ng batang pulubi. Nahabag si Ella kaya ibinigay niya ng buo ang sandwich sa batang pulubi. " Maraming salamat po!" Wika ng pulubi.
---
Muling nagkita ang magkaibigan na si Saira at si Eman. Bakas sa mukha ni Eman ang labis na pagkatuwa dahil iniisip niya na mamahalin na siya ng babaeng pinapangarap niya. Inalok ni Saira si Eman ng dala nitong pagkain at agad din niya itong kinain. "Kamusta kayo ni Ella?" Tanong ni Saira kay Eman. "Bakit mo naman tinatanong sa akin yan, wala naman akong pakialam doon." Sagot ni Eman. "Akala ko ba mahal mo sya?" tanong ulit ni Saira. "Hindi no! Ikaw lang any gusto ko" malambing na sagot ni Eman. Natuwa si Saira sa kaniyang narinig mula kay Eman. "Salamat sa matandang babae, epektibo nga ang kaniyang gayuma" pabulong na wika si Saira sa kaniyang sarili.
---
Bumula ang bibig ng kawawang pulubi nang kainin nito ang sandwich na gawa ni Eman. Namatay ang batang pulubi dahil lason ang laman ng maliit na bote na ibinigay ni Saira kay Eman.


    -Ej

Thursday, March 5, 2020

CHILDHOOD FRIEND



  Masarap kasama yong taong talagang kilala ka kong sino ka, yong pagdating sa harap niya hindi mo na kailangan pang mag panggap para lang matanggap ka. At masaya ako kasi may kaibigan akong katulad ng mga sinabi ko. 
  Si Clyde he is my childhood bestfriend, nong mga bata kami halos hindi na kami maghiwalay. Lagi niya akong inaalagan at pinagtatanggol sa lahat ng nangbubully sakin sa school. Pano ba naman kasi ang gwapo ng bestfriend ko kaya naman daming nangba-bush sakin, kesyo daw hindi naman bagay ang isang katulad ko na makasama siya. Pero Clyde never thought that way, ang alam niya ay ang asarin at alagaan ako. 
   Minsan nga nagpi-feeling nalang ako na may gusto siya sakin sa sobrang alaaga niya. Pero imbis na siya, ako pa yong nahulog sa kanya, eh anong magagawa ko? marupok ako e. Hindi ko naman akalain na mahuhulog ako ng ganito sa kanya. Tinago ko yong nararamdaman ko para sa kanya, kasi natatakot ako na baka layuan niya ako, na baka hindi na niya ako pansinin katulad ng ginagawa niya sakin ngayon. Mas gugustuhin ko na ganito nalang kasi kahit papaano alam ko na di siya mawawala, na hindi niya ako iiwan. Ngunit mali pala, nakilala ni Clyde si Angel, magandang babae, maamo, mabait, matalino, halos ata ng magandang katangian nasa kanya na. 
   Natakot ako na baka iwan ako ng bestfriend ko dahil sa kanya, natakot ako na baka ibaling niya lahat ng atensyon niya kay Angel. Kaya pinagbantaan ko si Angel, tinakot na wag na wag niyang aagawin sakin si Clyde. Naging desperada ako kasi si Clyde nalang natitirang matino sa buhay ko. Pero hindi ko aakalaing nandoon si Clyde, nandoon siya at nakita niya lahat ng ginawa ko, nakita niya lahat. Hindi ako makaimik, tumutulo yong luha ko habang nakatingin sa mata niyang di ko alam kong ano ang sinasabi. Nilayo niya sakin si Angel at sinabing "hindi ka ganyan Ley, anong nangyayari sayo? hindi na kita kilala". Napaluhod ako at umiyak habang humihingi ng tawad sa kanila, tama siya hindi na ako to, masyado na akong nabulag sa pagaakalang ako lang ang babaeng dapat niyang pagtuunan ng pansin.  
   Lumipas ang panahon ako nalang muna ulit mag isa, ayoko pa silang harapin. Gusto ko munang hanapin ang aking sarili bago ulit humarap sa kanila. At nangyari nga, ilang buwan matapos ang nangyari nakita ko ulit siya, ang bestfriend ko. Nakangiti akong nakatingin sa kanila na para bang sinasabi ko na "salamat sa lahat". Lagi lamang nating tandaan na sa buhay hindi pwedeng ikaw na lang ng ikaw dapat matuto tayong tanggapin lahat ng pagbabago sa ating buhay dahil doon natin makikita ang tunay na kaligayahan.

TADHANA


   Masasabi ko bang pinagpala ako kong mayaman ako? matalino? maganda?, Oo nga't nasa akin na ang lahat ng katangian na yan ngunit hindi ang totoong kaibigan, hindi ang totoong pagmamahal na gusto ko ding maramdaman. Ako si Bell, oo may kaibigan ako pero hindi sila totoo, siguro kinakaibigan lamang nila ako kasi may kailangan sila akin. Kasi may mapapala sila sa akin, pero kong isa lamang akong ordinaryong tao baka pa nga iwan lang nila ako. Masaya naman na sana ako na ganito nalang ako, ang mahalaga lang naman sa akin ay hindi ako maging talunan sa harap ng ibang tao. Pero nagbago lahat ng yon simula ng makilala ko siya, siya na nagsilbing salamin ko para makita kong gaano ako katanga sa lahat ng bagay. 
    Akala ko noong una puro kawalanghiyaan lamang sa buhay ang alam niya, na hindi siya marunong magseryoso sa mga bagay bagay. Madalas niya kasing ginagawang biro ang lahat. Pero hindi ko inaakalang siya pa yong taong magpapa-realize sakin sa lahat ng bagay na hindi ko nakikita noon, mga bagay na pinagsasawalang bahala ko lamang. Dahil sa kanya nagkaroon ako ng totoong kaibigan, nakahanap ako ng totoong pagmamahal na halos ilimos ko na sa iba. Sa kanya hindi ko na kailangan magbayad para mayroon akong kasama. Dahil sa kanya natuto akong ipakita kong sino talaga ako, kong sino ba talaga si Bell. Simula ng makilala ko siya parang ayaw ko ng mawala pa siya sa akin, sa kanya ko lang pala maibibigay ang buong tiwala na meron ako. At hindi ko inaasahan na sa kanya'y mahuhulog ako. Oo napamahal na ako sa kanya at sobrang saya ko na ganon din ang nararamdaman niya para sakin. 
     Lumilipas ang mga araw at panahon ngunit hindi padin nagbabago ang pagtingin ko sa kanya at siya sakin. Naging masaya kami, hanggang dumating yong oras na iniwan niya ako. Hindi ko alam na masyado palang mapaglaro ang tadhana, akala ko mananatili siya sakin hanggang sa pagtanda ko. Ngunit nauna na siyang lumisan sakin, sobrang sakit ng nararamdaman ko, kumikirot ang puso ko, nagbabakasakaling hindi totoo lahat ng ito. Hindi totoong ako ay iniwan mo, ngunit talagang mahirap paniwalaan ang katotohanan lalo na't hindi ko padin siya malimutan. Kailangan ko lang ngayon ay tandaan na balang araw ikaw ay makakasamang muli at doon mabibigyan tayong dalawa ng ikalawang pagkaktaon na iparamdam ang pag iibigang naudlot dahil sa mapaglarong tadhana.

AKO NA NABUHAY SA IMAHINASYON

Araw araw na lang siguro nakatutok ang aking mga mata sa mga librong kathang isip lang ang dala. Umaasa na sana isa ako sa mga bida, na...